Ang Aswang ng Capiz - Chapter 18


CHAPTER 18: Ang Bunga ng Sumpa


Tahimik ang San Lorente sa sumunod na mga araw, pero hindi ito ang uri ng katahimikan na nagpapahinga—ito’y katahimikan na tila naghihintay ng bagong bagyo.

Pagkatapos ng pagkakabagsak ng kuweba kung saan naglaho sina Fred at Milisa, natagpuan ni Elias ang sarili niyang pagod, sugatan, at litong-lito. Ang Bukal ng Dugo ay tuluyang gumuho, ngunit may kakaibang enerhiya pa ring umiikot sa paligid. Parang may buhay pa sa ilalim.

Kinabukasan, habang naglilibot siya sa baryo, napansin ni Elias na maraming tao ang nagkakasakit. May mga batang nagkakaroon ng mga kakaibang marka sa balat, parang mga ugat na kulay abo na kumikislap sa gabi.

Ang mga hayop naman ay nag-aalburuto, at ilang alagang baboy at manok ang biglang namamatay kahit walang sakit.

 “Parang may sumpang kumakalat,” sabi ni Aling Rosita habang nagdarasal sa may altar.

“Hindi ako naniniwalang natapos na ang dilim. Baka lumipat lang ito sa mga inosente.”

Tumingin si Elias sa labas ng bintana. Sa malayo, may batang babae na nakaupo sa ilalim ng puno ng mangga. Maputi ang balat, mahaba ang buhok, at may suot na lumang pulang damit.

Nang magtagpo ang kanilang mga mata, ngumiti ang bata.

Ngunit sa ngiti niyang iyon, may bahid ng mga pangil.

Kinagabihan, habang sinusuri ni Elias ang mga lumang aklat, napansin niyang may bagong sulat na lumitaw sa pahinang dati’y blangko.

May nakasulat doon na tila nagsusulat mag-isa:

 “Ang dugo ay hindi nawawala, nagbabago lamang ng anyo.

Kapag pinatay mo ang pagmamahal, ipapanganak muli ito sa anyo ng pighati.”

Napahinto siya. “Milisa…” bulong niya.

Binuksan niya ang isang bote ng langis at sinindihan ang lampara. Paglingon niya, may repleksiyong hindi niya inaasahan—ang mukha ni Fred, nakamasid sa kanya mula sa salamin.

 “Hindi mo ako mailalayo sa kanya,” bulong ng tinig ni Fred.

“Ang sumpa ay bahagi ng ating pagmamahalan. At kapag ang isang puso ay hindi tinapos, ito’y magpapatuloy sa bagong katawan.”

Biglang naputol ang ilaw ng lampara.

Pagbukas ng mga mata ni Elias, wala na ang salamin—ngunit sa sahig, may mga bakas ng paa… mga basang paa ng babae.

Sa kabilang dako ng baryo, nagising si Aling Rosita dahil sa kaluskos sa labas ng bahay.

Pagbukas niya ng pinto, may batang babae na nakatayo.

“Lola…” mahinang sabi ng bata.

“Anong ginagawa mo dito, hija?”

Ngumiti ang bata.

“Ako po si Mila…”

Nanlamig ang katawan ni Aling Rosita.

Hindi niya kailanman narinig ang pangalang iyon sa baryo.

“Magandang pangalan ‘yan,” sabi niya, nanginginig. “Saan ka galing?”

Ngumiti si Mila, at sa liwanag ng buwan, kumintab ang kanyang mga mata—kulay pilak, kagaya ng kay Milisa.

Kinabukasan, kumalat ang balita: may batang ulila na biglang lumitaw sa baryo, at hindi alam kung saan nanggaling. Mabait, tahimik, at mahilig maglaro sa ilalim ng buwan.

Ngunit tuwing gabi, naririnig ng mga tao ang kanyang halakhak mula sa gubat—isang halakhak na malamig at puno ng lungkot.

Nang mabalitaan ni Elias, agad niyang pinuntahan si Mila.

Ngunit sa sandaling magtama ang kanilang paningin, parang may mainit na hangin na dumaan sa pagitan nila.

 “Ikaw si Elias,” sabi ng bata.

“Alam ko ang pangalan mo.”

Tila napako si Elias sa kinatatayuan niya. “Paano mo nalaman ‘yan?”

Ngumiti si Mila.

“Sinabi sa akin ni Mama.”

“Ang nanay mo…?”

Tumango ang bata, sabay turo sa kagubatan.

“Si Milisa.”

Nanginginig ang kamay ni Elias habang pinagmamasdan ang bata.

Ang kanyang isip ay punô ng tanong—posible bang nabuhay muli si Milisa sa anyo ng batang ito? O ito’y panibagong nilalang na dinala ng sumpa?

“Anong gusto mo sa akin, Mila?”

Ngumiti muli ang bata.

“Hindi ako ang gusto mo, Elias. Ang gusto mo ay katotohanan.”

At bago siya makasagot, biglang nagdilim ang paligid.

Ang hangin ay bumigat, at sa malayo, narinig ni Elias ang mga huni ng paniki.

Paglingon niya, wala na si Mila.

Ngunit sa lupa kung saan ito nakatayo, may naiwan — isang pilak na rosaryo, kaparehong kapareho ng naiwan ni Milisa sa kuweba.

Sa gabing iyon, habang naglalakad si Elias sa gitna ng kadiliman, naramdaman niyang may mga matang nakamasid sa kanya.

Mula sa bawat anino ng puno, tila may mga nilalang na bumabalik.

At sa hangin, maririnig ang pamilyar na tinig ni Fred, pabulong, malambing ngunit nakakatakot:

 “Hindi mo kailangang labanan ang dilim, Elias…

kasi minsan, ang dilim ay bahagi na ng mundo natin.”

<<Previous                                          Next>>

Hey guys! Just a quick reminder — this story is originally written by me.
Please don’t copy, repost, or claim it as your own on any platform.
Sharing is okay as long as proper credit is given and no parts are altered.

Let’s respect each other’s work and creativity

© Vinlao, 2025. All rights reserved.

0 Comments