Bago pa man umabot ng 2028, lubog na sa utang ang bansang Pilipinas

Ayon mismo sa Bureau of Treasury, umabot na sa ₱16.3 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas noong Enero 2025. Isipin mo — sa loob lamang ng tatlong taon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., halos ₱4 trilyon na agad ang nadagdag sa utang ng bansa. Nakakabahala ito, lalo na’t wala naman tayong matibay na proyektong nakikita o nararamdaman na bunga ng pagkakautang na ito.
Kung babalikan natin ang nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, totoo — lumobo rin ang utang ng bansa. Pero malinaw ang dahilan noon: may pandemya. Kailangan nating mangutang upang makabili ng bakuna, magbigay ng ayuda, at tugunan ang krisis sa kalusugan at ekonomiya. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, hindi huminto ang gobyerno sa pagpapatayo ng mga proyekto sa ilalim ng programang “Build, Build, Build.” Kita natin noon ang mga bagong kalsada, tulay, at paliparan — mga proyektong may konkretong epekto sa ekonomiya at sa mamamayan.
Ngayon, iba ang sitwasyon. Wala tayong pandemya, wala ring malawakang proyekto na makikita o maramdaman ng karaniwang Pilipino. Pero bakit patuloy na lumulobo ang utang ng bansa? Saan napupunta ang mga inuutang na ito? Bakit tila mas abala ang kasalukuyang administrasyon sa politika at paninisi kaysa sa pagpapalakas ng ekonomiya?
Habang papalapit ang 2028, lumalalim din ang problema ng Pilipinas sa utang at pamumuno. Ang nakakalungkot, tila wala pang malinaw na direksyon o programa para matugunan ito. Kung hindi agad kikilos ang gobyerno, baka sa susunod na administrasyon ay puro pambayad na lang ng utang ang kayang gawin — at tayong mga Pilipino na naman ang magdurusa.
Sa panahon ngayon, kailangan natin ng lider na may malinaw na layunin, disiplina, at malasakit sa bayan. Hindi sapat ang puro pangako o magarang salita. Ang ekonomiya ng bansa ay hindi larong pampulitika — ito ay buhay at kinabukasan ng bawat Pilipino.
Author: Sexy Angel
Published: October 30,2025
Email: vinlao1981@gmail.com
0 Comments